kumusta?


kumusta?
tuloy lang at makibasa...







Friday, January 11, 2008

Hatol ng Puso


“Hindi ako makapaniwala na ang isang taong hindi pahuhuli sa pagbandera sa lansangan upang pigilan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay siya ngayong makikiisa, mangunguna upang ipagtanggol ang isang magnanakaw!”

“Hindi siya magnanakaw. Hindi pa napatutunayan na isa nga siyang magnanakaw.”

“Kailan pa? Ano, hihintayin mo pa bang mahatulan siya? Duh! Think of it! Hindi pa ba sapat na batayan ang mga tao sa lansangan? Wake Up!”

“Wala siyang kasalanan, naniniwala ako. Lubha lamang gahaman ang mga nakapaligid sa kanya. Hindi makapaghintay ng panahon nila, kaya minamadali ang lahat.”

“Ano bang ideyolohiya iyan? Gamitin mo naman ‘yang kukote mo. Matalino ka ‘di ba? Bakit hindi mo matimbang ang mga bagay-bagay ngayon?”

“Kinukuwestiyon mo ba ang paninindigan ko? Ang panig ko? Hindi ba’t siya ang binoto ng higit sampung milyong Pilipino, nangangahulugan lamang iyon na mahal siya ng tao, na naniniwala sila sa kanya.”

“Naniniwala sa kanya? Ngayon, nasaan na ang sampung milyong taong sinasabi mo? Hayun! Nasa lansangan, nakikibaka, humihiyaw, mapaalis lamang siya sa puwestong sila rin mismo ang nagluklok.”

“Naroon sila sa dahilang nabulag sila ng mga gahamang nangunguna sa kanila. Kung napagbigyan lang sana niya ang mga ‘kaibigan’ kuno na nakapaligid sa kanya, ‘di sana’y walang malaking kahangalang nagaganap ngayon.”

     Ilan lamang iyan sa diskusyong naging mitsa ng aming pagsasama, nang relasyong inalagaan ng humigit-kumulang dalawang taon.
     Lubhang napakalaki ng epekto ng pangyayaring iyon – anim na toan na ang nakararaan –sa aming relasyon.
     Sinong makapagsasabi na ang usaping pampolitika ay makasisira ng isang relasyon? Na pati ang kani-kaniyang mga prinsipyo’t paninindigan ay kinailangang magbigay ng hustisya sa bawat usapin na sa huli ay ikinasugat ng aming mga puso.
     Nakatatawa ngunit totoo.
     Hindi ako maprinsipyong tao. Hindi ko hilig ang makisawsaw at pumanig sa kung anong diskusyon. Mababaw kasi ako. Liban na lang kung lubhang hinihingi ng pagkakataon, doon nailalabas ko ang sariling panig.
     Ngunit iba siya, ibang-iba. Ewan nga kung bakit nagustuhan at napakisamahan ko ang isang taong napakamaprinsipyo’t maidolohiya. Marahil iba siya, iba rin ako. Kung anong babaw ko, siya namang lalim niya.
     Hindi ba’t nakapagtataka kung paano kami nagtagal, lalong hindi rin nakapagtataka na ang mga katangiang iyon ang nakapaghiwalay sa amin.
     Ang sanay “date” ay nauuwi sa “debate.” Ang mga simpleng pag-uusap, nauuwi sa mainitang pagtatalo. Sa telepono, sa text, o kahit magkasama kami ay pinagtatalunan namin ang isyu. Hindi maihiwalay sa personal na relasyon ang pambansang isyu noon. Lahat naman ata ng tao noon ay namuhay nang pinag-uusapan ang kaso ng taon. Ganoon din kami, mas grabe nga lang dahil lubos naming pinersonal ang lahat. Kinukuwestiyon ko ang mga ideyolohiya niya, ganoon rin siya sa akin. Personalan na talaga..

     Anim na taon na nga ang nakalipas, kumusta na kaya siya? Ano na kaya ang lagay niya? Lumabas na ang hatol, ano kaya ang reaksiyon niya?
     Marahil labis siyang nagdaramdam, naghihinanakit sa pasya ng hukom tulad rin ng ibang deboto sa mahal nilang idolo. Na naparam naman ng pardon na ibinigay ni nano makalipas lamang ang ilang linggo.
     Anim na taon na rin kaming hiwalay. Simula noon ay natigil ang lahat sa amin. Sa isang iglap ang relasyon namin ay nauwi sa wala at wala rin sa amin ang nagsikap na buuin itong muli. Marahil lubos na natapakan ang prinsipyo ng isa’t-isa. Marahil lubos at kapwa kaming nasaktan. Mababaw!
     Anim na taon. Anim na taon ng lungkot, pananabik at panghihinayang. Panghihinayang sa relasyong sinira at pinaghiwalay ng isyung pampolitika. Kasong pinagtalunan, pinagtuunan ng pansin na sa huli ay lumamon sa aming mga pagkatao, higit pa sa pag-ibig na pinagsaluhan.
     Anim na taon mula noon, muling nagtagpo ang aming mga landas. Sa isang iglap nagbalik ang mga alaala, sumambuyo ang damdamin, hindi alintana ang panahong lumipas.
   
     Isang kaswal na bati para sa isang kaswal na pagkakataon. Sayang, ngunit hindi na maibabalik ang nakaraan. Hindi na maitutuwid ang iniwang gusot.
     Isang bati ng dating pag-ibig kaulayaw ng binuo niyang pamilya ang tuluyang nagwakas nang lahat sa amin, sa akin na naghintay at umasa sa maprinsipyong pag-ibig niya.
     Isang isyu. Isang kaso. Isang hatol.
     Dalawang puso. Dalawang tao. Dalawang taon.
     Winakasan… pinanghinayangan… ngayo’y tuluyang tinuldukan.

Sambahan



Sambahan. Simbahan. Moske.
Mga katawagan sa lugar kung saan ang mga naniniwala, sumasamba, deboto, santito at santita ay nag-aalay ng kani-kanilang mga panalangin at debosyon.
Isang sagradong pook para sa mga konserbatibo, na kabalintunaan naman para sa mga agresibo.
Nababalutan ang mga haligi ng bendisyon ng kani-kanilang mga Ama na sa pagsakop ng dilim ay nabebendisyunan naman ng kalapastanganan.

Banal
Sumilay ang bukang-liwayway – masigla, makulay. Namulat si Ligaya na wala sa tabi si Kano.
“Kano …!!! Kano …!!!” sigaw niya.
“Hayup talagang gurang iyon, iniwan na naman ako.”
Mula sa silid na iyon ay tinahak ni Ligaya ang daan palabas. Sa may tarangkahan ay nakatuod ang isang jaguar. Sinitsitan siya nito. Binati naman niya ito bilang tugon, saka inalok ng usok na hindi naman tinanggihan ng huli. Nagpatuloy siya sa pag-alis sa gusali.
Gabi. Lumipas na naman ang isang pahina sa talaan ni Ligaya. Unti-unti nang nilalamon ng dilim ang buong paligid. Panahon na muli nang paglabas ng mga nilalang ng dilim. Sa kanto. Sa eskinita. Sa looban. Sa dilim. Sa patay-sindi. Sa doon…
Doon sila nagtatagpo. Silang lahat na sa gabi lamang masisilayan. Na sa gabi lamang buhay, sa araw ay patay. Na sa gabi ay punung-puno ng sigla, sa araw ay tila may malubhang sakit kaya’t hindi makagulapay. Na sa gabi ay nagsisilbing bituin na kumikinang at nagliliwanag sa bawat eskinita, kalye at kanto. Sa araw nama’y tila pundidong bombilya na ayusin man ang istarter o palitan ang kabuuan ay hindi pa rin iilaw, hindi gagana.

Nobena
At lumatag na nga ang gabi. Oras na rin upang maglatag ang mga kababaihan at kalalakihan ng dilim – maglatag at magkalat ng kani-kanilang kamandag, enerhiya, lakas, espiritu at nakabibihag na lason.
Sa may hindi kalayuan ay maaaninag na ang ilan. Isa na nga rito ang may kakisigan, kataasan ngunit may pagkakulubot nang si Kano. Siya ay nasa katanghalian ngunit nalalapit na ring magdapit-hapon na edad. Isa siya sa pinagpipitaganan sa industriyang ito dahil dito na rin tumanda.
Walang babae, lalaki, binabae at nag-aastang lalaki na hindi nakakikilala sa kaniyang pwersa, liban sa mga bago sa industriya.
“Pssst…! Pssst…! Isa? Tayo (istilo/paraan)?”
“Sino?”
“Ako!” maangas niyang sambit.
“Ikaw?”
“Oo. Ako!”
“Sa tanda mong iyan? Mukhang…”
“Ehem! Miss, bakit hindi mo ako subukan? Ikaw rin baka magsisi ka.”
“Wala na bang iba?”
“Marami riyan pero sa palagay ko e wala nang mas gagaling pa kaysa akin,” pabulong niyang sinambit nang makalapit sa babae.
“Hmm… Ang tigas rin naman ng mukha mo ano, tanda?”
“Kano. Nicanor at your service,” saad niya sabay pisil sa nagsusumigaw na umbok ng dalaga.
“P*nye*a! Mabilis ka rin ah!” nawika nitong pagulat.
“Sandali! I-ikaw si… ikaw si Kano?” dugtong nito na biglang nakaramdam nang kakaibang sensasyon.
Kasunod niyon ay ang pagkislot ng mga katawan, pag-indayog ng sandali, paggiling ng mga alikabok habang nagsisilikas sa lugar na kinasasandalan ng mga hayok. Ang lamig ng gabi’y nadampian nang init ng pananabik. Ang mga tigang na lupa ay muli na namang nadiligan.
Samu’t-saring halinghing ang maririnig. Kaliwa’t kanang pagkislot, kaluskos at halinghing ang tanging mauulinigan. Malakas pa sa tunog ng kampana ang mga halik at indak ng magkakadaupang-palad. Bawat pag-igtad at pag-indayog ay sumasabay sa kaway ng mga kawayan. Mga kawayang tanging saksi sa bawat gabi ng negosasyon sa natatanging lugar na ito.

Sanktwaryo
Lumipas na ang oras. Lumikas na rin ang dilim. Nagpulasan na ang grupo ng puta – babae at lalaki – sa buong paligid.
Ang mabangis at malaswang senaryo kangina’y nagbabalik ngayon sa maamo at sagrado nitong anyo.
Linggo. Samu’t sari na naman ang naglalagos sa istrakturang ito. Bata, matanda, lalaki at babae ay masayang binibisita ang tahanan ng kanilang sinasamba, higit pa ang kanilang Panginoon. Malinis at sagrado ito para sa lahat ngunit lingid sa kaalaman ng mga manong at manang, santito at santita, at mga banal na aso na sa paglalim ng gabi ay nagiging isang napakalaking koral ito ng mga hayop na kumakawala sa nagbabanal-banalang mundo.
Sa may bukana ay nakatigagal si Kano, tila hindi nahapo sa buong gabing pakikipagniig sa kung sinu-sino.
Hanggang…
“Li…Linda?” pagkilala ni Kano sa isang babae.
Hinanap ng tingin ng babae kung saan nagmula ang tinig. Lumingon siya.
“Ako nga.”
“Linda, ikaw nga!” naibulalas ni Kano.
“Panoo mo…?” pag-uusisa ng babae na sinundan ng pagkagulat. “Nicanor? Nicanor, ikaw ba iyan?”
“Oo. Oo, ako nga. Matagal kitang hin…”
Pak… isang sampal ang sumambulat sa mukha nang huli.
“Linda, matagal kitang hinintay. Ang sabi mo babalik ka pero…” tumatangis niyang saad.
“Iniwan kita dahil ayaw mong magbago. Paano mo kami ng anak mo mabibigyan ng disenteng buhay kung ikaw mismo hindi disente ang hanapbuhay? Paano?” lumuluhang binigkas ni Linda.
“May anak tayo? Bakit hindi mo sinabi sa akin… na noo’y buntis ka? Bakeeet?”
Nagwala siya. Pumalahaw ang galit sa sarili. Patuloy ang agos ng luha habang naglalagos ang maruruming salita sa bibig.
Si Linda ay tigagal. Humihikbi at walang magawa sa naghuhuramentadong si Nicanor na dati niyang asawa. Sapo ang bibig ay pinipigil niya ang magkahalong awa at galit sa dating kabiyak.
“Sa… sabihin mo sa akin, ano’ng pangalan ng anak natin? Nasaan siya? Gusto ko siyang ma..”
“Li… Ligaya. Ligaya ang ipinangalan ko sa kanya.”
“Ligaya? Ha? Si… Ligaya? Hindeeeee………”