kumusta?


kumusta?
tuloy lang at makibasa...







Friday, January 11, 2008

Hatol ng Puso


“Hindi ako makapaniwala na ang isang taong hindi pahuhuli sa pagbandera sa lansangan upang pigilan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay siya ngayong makikiisa, mangunguna upang ipagtanggol ang isang magnanakaw!”

“Hindi siya magnanakaw. Hindi pa napatutunayan na isa nga siyang magnanakaw.”

“Kailan pa? Ano, hihintayin mo pa bang mahatulan siya? Duh! Think of it! Hindi pa ba sapat na batayan ang mga tao sa lansangan? Wake Up!”

“Wala siyang kasalanan, naniniwala ako. Lubha lamang gahaman ang mga nakapaligid sa kanya. Hindi makapaghintay ng panahon nila, kaya minamadali ang lahat.”

“Ano bang ideyolohiya iyan? Gamitin mo naman ‘yang kukote mo. Matalino ka ‘di ba? Bakit hindi mo matimbang ang mga bagay-bagay ngayon?”

“Kinukuwestiyon mo ba ang paninindigan ko? Ang panig ko? Hindi ba’t siya ang binoto ng higit sampung milyong Pilipino, nangangahulugan lamang iyon na mahal siya ng tao, na naniniwala sila sa kanya.”

“Naniniwala sa kanya? Ngayon, nasaan na ang sampung milyong taong sinasabi mo? Hayun! Nasa lansangan, nakikibaka, humihiyaw, mapaalis lamang siya sa puwestong sila rin mismo ang nagluklok.”

“Naroon sila sa dahilang nabulag sila ng mga gahamang nangunguna sa kanila. Kung napagbigyan lang sana niya ang mga ‘kaibigan’ kuno na nakapaligid sa kanya, ‘di sana’y walang malaking kahangalang nagaganap ngayon.”

     Ilan lamang iyan sa diskusyong naging mitsa ng aming pagsasama, nang relasyong inalagaan ng humigit-kumulang dalawang taon.
     Lubhang napakalaki ng epekto ng pangyayaring iyon – anim na toan na ang nakararaan –sa aming relasyon.
     Sinong makapagsasabi na ang usaping pampolitika ay makasisira ng isang relasyon? Na pati ang kani-kaniyang mga prinsipyo’t paninindigan ay kinailangang magbigay ng hustisya sa bawat usapin na sa huli ay ikinasugat ng aming mga puso.
     Nakatatawa ngunit totoo.
     Hindi ako maprinsipyong tao. Hindi ko hilig ang makisawsaw at pumanig sa kung anong diskusyon. Mababaw kasi ako. Liban na lang kung lubhang hinihingi ng pagkakataon, doon nailalabas ko ang sariling panig.
     Ngunit iba siya, ibang-iba. Ewan nga kung bakit nagustuhan at napakisamahan ko ang isang taong napakamaprinsipyo’t maidolohiya. Marahil iba siya, iba rin ako. Kung anong babaw ko, siya namang lalim niya.
     Hindi ba’t nakapagtataka kung paano kami nagtagal, lalong hindi rin nakapagtataka na ang mga katangiang iyon ang nakapaghiwalay sa amin.
     Ang sanay “date” ay nauuwi sa “debate.” Ang mga simpleng pag-uusap, nauuwi sa mainitang pagtatalo. Sa telepono, sa text, o kahit magkasama kami ay pinagtatalunan namin ang isyu. Hindi maihiwalay sa personal na relasyon ang pambansang isyu noon. Lahat naman ata ng tao noon ay namuhay nang pinag-uusapan ang kaso ng taon. Ganoon din kami, mas grabe nga lang dahil lubos naming pinersonal ang lahat. Kinukuwestiyon ko ang mga ideyolohiya niya, ganoon rin siya sa akin. Personalan na talaga..

     Anim na taon na nga ang nakalipas, kumusta na kaya siya? Ano na kaya ang lagay niya? Lumabas na ang hatol, ano kaya ang reaksiyon niya?
     Marahil labis siyang nagdaramdam, naghihinanakit sa pasya ng hukom tulad rin ng ibang deboto sa mahal nilang idolo. Na naparam naman ng pardon na ibinigay ni nano makalipas lamang ang ilang linggo.
     Anim na taon na rin kaming hiwalay. Simula noon ay natigil ang lahat sa amin. Sa isang iglap ang relasyon namin ay nauwi sa wala at wala rin sa amin ang nagsikap na buuin itong muli. Marahil lubos na natapakan ang prinsipyo ng isa’t-isa. Marahil lubos at kapwa kaming nasaktan. Mababaw!
     Anim na taon. Anim na taon ng lungkot, pananabik at panghihinayang. Panghihinayang sa relasyong sinira at pinaghiwalay ng isyung pampolitika. Kasong pinagtalunan, pinagtuunan ng pansin na sa huli ay lumamon sa aming mga pagkatao, higit pa sa pag-ibig na pinagsaluhan.
     Anim na taon mula noon, muling nagtagpo ang aming mga landas. Sa isang iglap nagbalik ang mga alaala, sumambuyo ang damdamin, hindi alintana ang panahong lumipas.
   
     Isang kaswal na bati para sa isang kaswal na pagkakataon. Sayang, ngunit hindi na maibabalik ang nakaraan. Hindi na maitutuwid ang iniwang gusot.
     Isang bati ng dating pag-ibig kaulayaw ng binuo niyang pamilya ang tuluyang nagwakas nang lahat sa amin, sa akin na naghintay at umasa sa maprinsipyong pag-ibig niya.
     Isang isyu. Isang kaso. Isang hatol.
     Dalawang puso. Dalawang tao. Dalawang taon.
     Winakasan… pinanghinayangan… ngayo’y tuluyang tinuldukan.

No comments: