kumusta?


kumusta?
tuloy lang at makibasa...







Friday, January 11, 2008

Sambahan



Sambahan. Simbahan. Moske.
Mga katawagan sa lugar kung saan ang mga naniniwala, sumasamba, deboto, santito at santita ay nag-aalay ng kani-kanilang mga panalangin at debosyon.
Isang sagradong pook para sa mga konserbatibo, na kabalintunaan naman para sa mga agresibo.
Nababalutan ang mga haligi ng bendisyon ng kani-kanilang mga Ama na sa pagsakop ng dilim ay nabebendisyunan naman ng kalapastanganan.

Banal
Sumilay ang bukang-liwayway – masigla, makulay. Namulat si Ligaya na wala sa tabi si Kano.
“Kano …!!! Kano …!!!” sigaw niya.
“Hayup talagang gurang iyon, iniwan na naman ako.”
Mula sa silid na iyon ay tinahak ni Ligaya ang daan palabas. Sa may tarangkahan ay nakatuod ang isang jaguar. Sinitsitan siya nito. Binati naman niya ito bilang tugon, saka inalok ng usok na hindi naman tinanggihan ng huli. Nagpatuloy siya sa pag-alis sa gusali.
Gabi. Lumipas na naman ang isang pahina sa talaan ni Ligaya. Unti-unti nang nilalamon ng dilim ang buong paligid. Panahon na muli nang paglabas ng mga nilalang ng dilim. Sa kanto. Sa eskinita. Sa looban. Sa dilim. Sa patay-sindi. Sa doon…
Doon sila nagtatagpo. Silang lahat na sa gabi lamang masisilayan. Na sa gabi lamang buhay, sa araw ay patay. Na sa gabi ay punung-puno ng sigla, sa araw ay tila may malubhang sakit kaya’t hindi makagulapay. Na sa gabi ay nagsisilbing bituin na kumikinang at nagliliwanag sa bawat eskinita, kalye at kanto. Sa araw nama’y tila pundidong bombilya na ayusin man ang istarter o palitan ang kabuuan ay hindi pa rin iilaw, hindi gagana.

Nobena
At lumatag na nga ang gabi. Oras na rin upang maglatag ang mga kababaihan at kalalakihan ng dilim – maglatag at magkalat ng kani-kanilang kamandag, enerhiya, lakas, espiritu at nakabibihag na lason.
Sa may hindi kalayuan ay maaaninag na ang ilan. Isa na nga rito ang may kakisigan, kataasan ngunit may pagkakulubot nang si Kano. Siya ay nasa katanghalian ngunit nalalapit na ring magdapit-hapon na edad. Isa siya sa pinagpipitaganan sa industriyang ito dahil dito na rin tumanda.
Walang babae, lalaki, binabae at nag-aastang lalaki na hindi nakakikilala sa kaniyang pwersa, liban sa mga bago sa industriya.
“Pssst…! Pssst…! Isa? Tayo (istilo/paraan)?”
“Sino?”
“Ako!” maangas niyang sambit.
“Ikaw?”
“Oo. Ako!”
“Sa tanda mong iyan? Mukhang…”
“Ehem! Miss, bakit hindi mo ako subukan? Ikaw rin baka magsisi ka.”
“Wala na bang iba?”
“Marami riyan pero sa palagay ko e wala nang mas gagaling pa kaysa akin,” pabulong niyang sinambit nang makalapit sa babae.
“Hmm… Ang tigas rin naman ng mukha mo ano, tanda?”
“Kano. Nicanor at your service,” saad niya sabay pisil sa nagsusumigaw na umbok ng dalaga.
“P*nye*a! Mabilis ka rin ah!” nawika nitong pagulat.
“Sandali! I-ikaw si… ikaw si Kano?” dugtong nito na biglang nakaramdam nang kakaibang sensasyon.
Kasunod niyon ay ang pagkislot ng mga katawan, pag-indayog ng sandali, paggiling ng mga alikabok habang nagsisilikas sa lugar na kinasasandalan ng mga hayok. Ang lamig ng gabi’y nadampian nang init ng pananabik. Ang mga tigang na lupa ay muli na namang nadiligan.
Samu’t-saring halinghing ang maririnig. Kaliwa’t kanang pagkislot, kaluskos at halinghing ang tanging mauulinigan. Malakas pa sa tunog ng kampana ang mga halik at indak ng magkakadaupang-palad. Bawat pag-igtad at pag-indayog ay sumasabay sa kaway ng mga kawayan. Mga kawayang tanging saksi sa bawat gabi ng negosasyon sa natatanging lugar na ito.

Sanktwaryo
Lumipas na ang oras. Lumikas na rin ang dilim. Nagpulasan na ang grupo ng puta – babae at lalaki – sa buong paligid.
Ang mabangis at malaswang senaryo kangina’y nagbabalik ngayon sa maamo at sagrado nitong anyo.
Linggo. Samu’t sari na naman ang naglalagos sa istrakturang ito. Bata, matanda, lalaki at babae ay masayang binibisita ang tahanan ng kanilang sinasamba, higit pa ang kanilang Panginoon. Malinis at sagrado ito para sa lahat ngunit lingid sa kaalaman ng mga manong at manang, santito at santita, at mga banal na aso na sa paglalim ng gabi ay nagiging isang napakalaking koral ito ng mga hayop na kumakawala sa nagbabanal-banalang mundo.
Sa may bukana ay nakatigagal si Kano, tila hindi nahapo sa buong gabing pakikipagniig sa kung sinu-sino.
Hanggang…
“Li…Linda?” pagkilala ni Kano sa isang babae.
Hinanap ng tingin ng babae kung saan nagmula ang tinig. Lumingon siya.
“Ako nga.”
“Linda, ikaw nga!” naibulalas ni Kano.
“Panoo mo…?” pag-uusisa ng babae na sinundan ng pagkagulat. “Nicanor? Nicanor, ikaw ba iyan?”
“Oo. Oo, ako nga. Matagal kitang hin…”
Pak… isang sampal ang sumambulat sa mukha nang huli.
“Linda, matagal kitang hinintay. Ang sabi mo babalik ka pero…” tumatangis niyang saad.
“Iniwan kita dahil ayaw mong magbago. Paano mo kami ng anak mo mabibigyan ng disenteng buhay kung ikaw mismo hindi disente ang hanapbuhay? Paano?” lumuluhang binigkas ni Linda.
“May anak tayo? Bakit hindi mo sinabi sa akin… na noo’y buntis ka? Bakeeet?”
Nagwala siya. Pumalahaw ang galit sa sarili. Patuloy ang agos ng luha habang naglalagos ang maruruming salita sa bibig.
Si Linda ay tigagal. Humihikbi at walang magawa sa naghuhuramentadong si Nicanor na dati niyang asawa. Sapo ang bibig ay pinipigil niya ang magkahalong awa at galit sa dating kabiyak.
“Sa… sabihin mo sa akin, ano’ng pangalan ng anak natin? Nasaan siya? Gusto ko siyang ma..”
“Li… Ligaya. Ligaya ang ipinangalan ko sa kanya.”
“Ligaya? Ha? Si… Ligaya? Hindeeeee………”

3 comments:

Dear Hiraya said...

Ahoy! MK, babasahin ko muna itong artik mo. On Monday or Tuesday, check mo sa PC ng Voice sa folder na FilCom yung artik na to. Dun ko ilalagay ang mga necessary revisions. Please do comply. Thanks!

http://hiraya.co.nr

Rcyan said...

ANG LANDI NAMAN NG BLOG NA ITO!!! FENK NA FENK!!! Anyway, mukhang maganda 'tong story mo... Parang totoo lang... Weheheheh!!! Grabe, Kagandahan, talagang naninindigan ka s apagiging Kagandahan mo!!! Hehhehehehheh!!! Keep up the good work! Aabangan ko 'yung susunod na post mo, ha? Hanggang sa uulitin... [I.N.J. (^-^)]

Rcyan said...

I-update n'yo naman ang mga blogs n'yo... Wala na akong mabasa tuloy... Huhuhuhuhhuhuhuhhuhh!!! (~0~) Mag-comment naman kayo sa akin...