Matapos ang kanyang matapang na pagbubunyag at pagsisiwalat, ang alegasyong kidnaping, at ang pagtatangka di-umanong supilin ang katotohanan na gumawa ng ingay sa midya pati na sa iba’t ibang sektor, ngayon ay nagsalita na at naglabas na ng panig ang mayoryang mulat.
Sa kabila ng tapatan at harapan, iba’t ibang tinig ipinaririnig, samu’t saring boses ibinubulalas ng mga damdaming makabayan at makakapwa.
At ang panig ng kabataan – kay National Broadband Network-Zhong Xing Telecommunications Equipment (NBN-ZTE) deal star witness Rodolfo Noel “Jun” I. Lozada Jr.
Tuligsaan
Sa “Harapan,” programang isinagawa ng isang istasyon ng telebisyon na may kinalaman sa pinakamainit at pinakamaanghang na isyu ng taon, ay pinagharap-harap ang mga apektadong sektor – nasasakdal, isinasakdal, simbahan, negosyante, at kabataan.
At sa boses ni Alan Peters ng NUSP, naibahagi ang opinyon ng kabataan sa isyu. Nitong huli, nagkaroon ng pagkakataon ang mga manunulat pangkampus na makadaupang-palad ang 45-taong gulang na probinsyanong intsik.
Sa isinagawang kumperensiya, ibinahagi ang ilang detalye ng proyektong lumobo ang presyo ng hanggang $329M, umano’y nag-uumapaw sa kumisyon at kikbak ng mga taong nasa likod nito.
Patungkol naman sa panawagang patilsikin si Gloria Macapagal-Arroyo, mariing kinondena ni Lozada ang pagbibitiw ng presidente sa tungkulin at mas nais na itama ang pag-iisip ng nakararami (No, I’d rather check your mindset.). Tahasan din siyang umiwas sa pagbibigay ng kumento ukol sa pangulo.
Ngunit mariin at makailang ulit niyang sinambit na kung nais makita ang pagbabago sa lipunan, mag-umpisa sa pagbabago sa sarili at sa puso. Naniniwala siyang kabataan ang magiging behikulo para sa katotohanan at ng katotohanan.
Aniya, “This talk will be planted seed in the right action. We are taking action because you yourself have changed.”
Sa ibang banda, kabi-kabilang protesta at pag-iingay naman ang isinasagawa ng mga uhaw sa katotohanan ngunit tila bingi at manhid ang mga sangkot sa iskandalo at hanggang ngayon ay maladikya pa rin silang kumakapit at sumisiksik sa mas dikya nilang amo.
Ang sagot ng kabataan, “noise barrage.”
Sabay-sabay at iba’t ibang paraan ng pag-iingay upang maipamalas ang pagkadismaya sa pagtatakip ng pamahalaan sa katotohanan ang isinagawa ng mga kabataan mula sa magkakahiwalay na unibersidad.
Nariyan ang pagbusina sa ngalan ng katotohanan ng mga taga-Ateneo de Manila, Miriam College, De La Salle Manila, College of St. Benilde at St. Scholastica’s College; pagsisindi ng kandila ng St. Joseph’s College; ingay ng tambol, busina at pangangalampag ng mga Thomasian; walk-out ng mga UPian; at pagtatali ng puting laso ng White Ribbon Movement at Health Alliance for Truth and Justice sa mga poste at pader ng Taft Avenue.
At si Tipoy? Dedma. Patuloy sa pagiging pasibo.
Pagyugyog ni J. Lo
“There are certain things I did in my life that I would like to change. But whatever respect I have left for myself I want to keep it. I admit, mea culpa.” – Lozada sa pagdinig sa Senado.
Makaraang gimbalin niya ang publiko sa pagharap sa liwanag at daan ng katotohanan, niyugyog ng kanyang mga salita at testamento ang mga pader na binabangga.
Mula sa naunsyaming pagkidnap at pagtatangkang supilin ang mukha ng katotohanan, pagdawit sa iba’t ibang personalidad, pagpanig ng mga makakaliwa at makakanan, paggewang ng mga testimonya at tilamsik ng mga paratang, si Lozada ngayon ay nahaharap sa iba’t ibang kasong legal na isinampa ng mga di-umano’y “inosente at nakakaladkad lamang ang pangalan.”
At hinggil sa pagbabansag sa kanya na isang bayani, iginiit niyang hindi siya bayani. Idinagdag pang ang iskandalong ito ay isang napakalaking krus na kailangan niyang ipasan.
Magkagayon man, si Lozada para sa mga patriyotiko ay “ang tunay na mukha ng katotohanan.” Subalit ayon naman sa mga makaadministrasyon, partikular ang Kongreso ng Mamamayan, “kung si Lozada ang mukha ng katotohanan, tila tabingi ang mukha ng katotohanan” na inirerepresenta ang kuha nang larawan ng huli.
Unity walk for truth
Sa kabila ng mga panawagan, tila minorya pa rin ang bilang ng mga nangangalampag at nakikisali sa mga kilos-protesta. Nangangahulugan kaya itong malabo pa rin ang hustisya para sa ating lahat? Sawa na nga ba ang tao sa paghanap at paghingi ng katotohanan? Sa pagmartsa at sama-samang paghiyaw sa mga lansangan at daan ng EDSA?
Ayon kay Lozada, hindi lang pagpapatalsik kay Arroyo ang solusyon sa mas malalim na problema ng bansa, nangangailangan ito ng mas matinding pagsusuri at tamang pag-iisip.
“[We must be] guided by the right mindset with the right attitude…”
At kung si Arroyo at kanyang gabinete ay ipinangangalandakang sawa na ang tao sa People Power at sinabi pang pagtatawanan na ang Pinoy ng buong mundo kung muling magtatangka, si Lozada naman ay hayagan pa ring naniniwala sa ganansya ng People Power na pinasinayaan ng mga Pilipino.
Inilahad niyang huwag sayangin ang ganansya nito, huwag sayangin sa mga pansariling kapakanan.
“The People Power is one of the finest moment of the Filipino nation. It leaves a global phenomenon.”
“Don’t be tired of people power, be tired of people who are tired of people power,” giit niya.
Patuloy na naninindigan at naniniwala si Lozada na may pag-asa pa para sa bansang ito at marami pang Pilipino na nagmamahal sa bayan.
Para naman sa ilan na may mga pansariling interes at bahagi ng kultura ng korupsyon kaya’t patuloy na nananahimik, ang mga mulat at may pakialam lalo pa ang mga kabataan ay hindi hihinto sa pagmamatyag, pagkakamit ng tunay na katotohanan at patuloy na babasagin ang mga pader at haligi ng lipunang inaanay.
1 comment:
emkei! naks graduate na!
Post a Comment